Biyaya si Digong-Robin

Sa kabila ng health crisis na nararanasan ng bansa, nananatiling buong-buo ang tiwala at pananalig ni Robin Padila kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kanyang latest Instagram post, as always ay ipinahayag ni Binoe ang kanyang suporta kay Digong. Nag-post siya ng art card na nagsasaad ng “sa dami ng bumabatikos sa ating Pangulo ngayon, andyan ka pa ba para suportahan siya?”

Sa mahabang caption ay sinabi niyang “biyaya” sa ating mga Pilipino ang Pangulo at umapela sa lahat na tanggapin ito’t nanawagan ng pagkakaisa.

“Biyaya ng Panginoong Maylikha sa Inangbayan Pilipinas ang pagkakapanalo ni mayor Rodrigo Duterte bilang Ating Pangulo inihanda siya ng Nagiisang Panginoong Dios kaya siyay pinadaan sa pagka piskal na nasa branch ng judiciary sa pagkamayor sa branch ng executive at sa pagkacongressman sa branch ng legislative para pagdumating ang gera na ito meron tayong War President

“Walang sinoman sa 3 branches of government ang lulusot kay PRRD batid lahat ni mayor digong ang kalokohan kayat walang puedeng magbigay ng disiplina tapang at malasakit kundi ang pinagpala ng nag iisang Panginoong Maykapal na manalo bilang Pangulo nong 2016.

“May rason ang pagkapanalo ni Digong at ito na yun ibigay natin ang suporta natin sa Pangulo na ito hanggat nandyan siya tanggapin na natin na siya ang Pangulo at sa oras na ito hindi natin kailangan mag away away o magbanatan o magsiraan o mamulitika.

“We are at war ladies and gentlemen of this beautiful island if we will not work together for survival we will all run to our own destruction si Presidente Rodrigo Roa Duterte ang Pangulo at nasasaad sa constitution ng Inangbayan Pilipinas ang mga kapangyarihan na dapat ibigay kapag ang ating bayan ay inatake ng kalaban.

“Ang sabi nga ni merkel ng germany ” Ang covid 19 ang pinakamatindi nilang haharapin bilang isang Bansa mula nong world war 2,” bahagi ng caption ni Binoe.

Para sa action star, walang ibang pasadong maging Pangulo kungdi si Digong.

“Mga kababayan time to get organized i do not know how because i am not a leader nor an organizer isa lang akong revolutionary follower ni President Duterte at kaibigan ni senator bong go sa nakikita ko at alam ko na nakikita niyo rin wala naman pasadong maging pangulo sa oras na ito kundi si Digong he was created and born for this he is with us to help us the filipino people get through with this greatest trial on our race and as a people at hindi niya magagawa yan kung hindi siya tutulungan ng mga mayayaman negosyante at ng TAONGBAYAN!

“Nasa loob tayo ng gera mga Tol lahat tayo mga sundalo ngayon kailangan magtulungan at hindi ko maituturo kung paano yun basta ako susunod lang muna ako sa mga desisyon ni PRRD dahil wala tayo oras para magpulitikahan ngayon dahil sa bawat araw na dumadaan maraming buhay ang nawawala at nawawasak. Let us help each other,” pahayag pa ni Robin.

Bawal mag-jogging sa village: Angelica umalma kay Vico

Kinukuwestiyon naman ni Angelica Panganiban ang pagbabawal ng jogging sa village nila sa Pasig at tinatanong niya kung patakaran ba ito ng kanilang Mayor na si Vico Sotto.

“Yung exercise tulad ng jogging, bawal sa village namin. Malinaw naman ang protocol. Pero pwede ka lumabas para ilakad ang aso, bumili ng grocery. Pero yung pang pa healthy, bawal sa pasig? Patakaran po ba ito ng mayor natin?” ang tweet ni Angelica.

May mga sumagot naman na pwede lang talaga lumabas para bumili ng essentials at nag-suggest na sa bahay na lang mag-exercise. Pinayuhan din siya na sundin na lang ang protocol at huwag nang matigas ang ulo.

Mayroon din namang nag-tag kay Mayor Vico at pinasasagot ang tanong ni Angelica.