Nasawi ang isang 57-anyos na biyuda matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem habang nakikipagkuwentuhan sa kapitbahay kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.
Hindi na naisalba pa ng mga doktor sa Tondo General Hospital si Elvira Valerio, taga-Bldg. 17, Permanent Housing, Tondo, Maynila sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan.
Ayon kay PO2 Mark de Guzman, ng Manila Police District-Homicide Section, alas-7:16 ng umaga nang maganap ang insidente sa tapat ng bahay ng biktima.
Sa paglalahad ng anak ng biktima na si Rose Valerio, alas-sais ng umaga ay namataan pa niyang nag-aalmusal ang ina at kasunod nito ay tinawag ito ng kanilang kapitbahay na si Macmac Pacsoderon.
Nakikipagkuwentuhan umano ang biktima kay Pacsoderon nang dumating ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ang ginang.
Nang matiyak na napuruhan ay mabilis na itong tumakas.
Iniimbestigahan ngayon ng pulisya kung may kinalaman sa iligal na droga ang motibo ng pagpaslang.