Biyuda tinadtad ng bala sa Kalye Impyerno

Patay ang isang 39-anyos na biyuda makaraang pasukin at pagbabarilin sa loob ng kanilang bahay sa Kalye Impyerno, Brgy. San Roque, Navotas City kahapon ng madaling-araw.

Base sa ulat ng tanggapan ni Navotas Police Station deputy chief for operation Chief Inspector Ilustre Mendoza, bandang alas-3:50 ng madaling-araw nang matagpuan ng kanyang anak na si Mark Joseph Mulingtapang ang kanyang inang si Daisy Bautista na wala nang buhay sa loob ng kanilang bahay.

Nabatid na nag-iisa lang sa loob ng kanilang bahay ang biktima nang mangyari ang pamamaril sa kanya dahil nasa labas ang anak na si Mark Joseph at ipinasada ang pedicab nito.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na hindi bababa sa tatlong lalaki na pawang armado ng baril ang pumasok sa bahay ng biktima at pinagbabaril ito. Nang masiguradong wala na siyang buhay ay saka umeskapo ang mga suspek.

Nagtamo umano ang biktima ng dalawang tama ng bala sa ulo at anim pa sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Nasa anim na mga empty shell at dalawang deformed bullet mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril ang narekober ng mga imbestigador ng pulisya sa loob ng bahay.

Isusumite ang mga ito sa Northern Police District Crime Laboratory para isailalim sa ballistic examination.

Blangko pa ang pulisya sa pagkakakilanlan ng mga suspek at sa motibo ng pamamaril at nabatid pa kay Mendoza na wala naman umanong criminal record sa kanila ang biktima.