Sinang-ayunan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kalalabas pa lang na administrative circular ng Supreme Court (SC) na nag-uutos na paluwagin ang mga bilangguang pinangangasiwaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Corrections (BuCor) sa gitna ng krisis dulot ng ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, makatao ang utos ng SC at magsusulong ng `social restorative justice’ na magpapagaan sa pasanin ng mga person deprived of liberty (PDL) at mga jail personnel na nagtatrabaho buong araw at gabi upang ipatupad ang mga mahigpit na bilin ng Department of Health (DOH) na panatilihing ligtas ang mga bilangguan sa COVID-19.
“Malaking tulong ito sa ating mga mahihirap at matatandang nakapiit sa ating mga pasilidad na mabigyan sila ng pagkakataong makapiling muli ang kanilang mga mahal sa buhay. Malaking ginhawa rin ito sa ating mga tauhan sa BJMP dahil mababawasan ang kanilang mga alalahanin sa gitna ng banta ng COVID-19,” ani Año.
Pinasalamatan ng kalihim si Chief Justice Diosdado Peralta na naglabas ng Administrative Circular 39-2020.
Nakasaad sa circular ang pagbabawas ng piyansa ng mga akusado sa krimen na may parusang reclusion temporal o 12 hanggang 20 taong pagkabilanggo habang ang mga hinatulan ng anim na buwan pababa ay maaaring palayain batay sa tinatawag na `recognizance’.
Sabi ni Año, uunahin ng BJMP ang pagpapalaya sa mga kuwalipikadong PDL na may court order at sa mga kasalakuyang nakakulong sa mga pasilidad ng ahensya na kumpirmadong positibo sa COVID-19 upang hindi na mahawa ang ibang bilanggo.
Ayon kay Año, apat sa 468 pasilidad ng BJMP sa buong bansa ang nag-ulat na ng 345 kaso ng COVID-19.
Nabatid na mahigit 3,000 PDL sa mga BJMP facility ang maaaring palayain.
(Dolly B. Cabreza)