Kinandado kahapon ang Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa, Palawan matapos ang umanoy naganap na barilan sa pagitan ng isang miyem­bro ng Bureau of Jail Management and Peno­logy (BJMP) at isang Bureau of Correction (BuCor) officer.

Dakong alas-10:00 ng umaga nang magpatupad ng mahigpit na seguridad sa nasabing bilangguan matapos ang naganap na barilan nina BuCor officer 2 Ritchie Canja at BJMP team leader JO1 Jayferson Bon-as sa Quarter 2 malapit sa administration building­ ng Iwahig.

Base sa inisyal na ulat, nakarinig ng walong sunod-sunod na putok mula sa nasabing gusali pasado alas-nuwebe ng umaga pagkatapos ay nakitang isinusugod sa pagamutan ang duguang si Canja.

Matatandaang si Canja ay naging popular bilang isang dancing jail guard sa Iwahig habang si Bon-as naman ay ang kaparehas ding jail officer na nasangkot sa insidente ng pambubugbog kay corrections technical Senior Supt. Dr. Amador Perez Jr.

Hanggang sa sinusulat ang balitang ito kagabi ay wala pang opisyal na ulat hinggil sa insidente mula sa BJMP at BuCor. (Edwin Balasa)