Mga laro ngayon (MOA Arena)
12:00 noon — UE vs. Adamson
4:00 p.m. — La Salle vs. Ateneo
Giyera palagi ‘pag nagkikita sa court ang Ateneo at La Salle, maging ang kanilang mga tagasuporta ay sumasali sa bangayan.
Ngayong araw, pansamantalang mag-iiba ng kulay ang loob ng Mall of Asia Arena sa pagsalpok ng Green Archers at Blue Eagles sa LXXIX Season ng UAAP men’s basketball.
Dati ay asul ka lang o berde sa loob ng venue, pero mamaya ay Black Sunday.
Nagbaba ng memorandum ang dalawang eskuwelahan na naghihikayat sa supporters na magsuot ng itim sa araw ng laban bilang protesta sa extrajudicial killings at planong pagpapalibing ni President Rodrigo Duterte kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
“In light of considerable sentiments and convictions expressed by various sectors of both the De La Salle and Ateneo de Manila University communities expressing opposition to the possible Marcos burial at the Libingan ng mga Bayani,” anang memo na pirmado ni Bro. Michael Broughton, vice president ng La Sallian Mission hinggil sa pagsusuot ng itim.
Pareho pang wala sa bench ng DLSU sina coach Aldin Ayo at star player Jeron Teng.
Naparusahan si Ayo ng one-game suspension dahil sa pang-iinis nito sa referee na magsuot ng eyeglasses sa laban nila kontra UE. May ankle injury naman si Teng at siguradong hahanapin ng Green Archers ang average niyang 16.3 points at 3.5 rebounds per game.
Wala pang mantsa ang karta ng DLSU sa anim na laro.
Muling sasandalan ng Blue Eagles si Thirdy Ravena na nagtala ng 22 points at 10 rebounds sa panalo kontra UP Fighting Maroons, 79-64, noong Miyerkules.
Samantala, kinalos ng FEU Tamaraws ang host UST Tigers, 79-72, para sumalo sa three-way tie sa second.
Sumuwag sina Joe Trinidad at Raymar Jose ng 17 at 16 points para sa FEU na sinaluhan ang Ateneo at NU sa 4-2 cards.
Nirehistro ni Louie Vigil ang 16 markers para sa UST na nalasap ang pang-apat na talo sa anim na laro.