Blakely, Blackwater hahabol sa playoffs

Mga laro ngayon: (Cuneta Astrodome)

4:30 pm – Blackwater vs Rain or Shine

7:00 pm – SMB vs NorthPort

Nasa lower half ng PBA Governors Cup standings ang Blackwater at Rain or Shine, gagamitin ang mga huling natitirang laro para humabol sa playoffs tapos ng 11-game eliminations.

Parehong lugmok sa kani-kanilang huling laro ang magkatunggali – Elite sa Meralco 106-97, at Elasto Painters sa Alaska 78-71. Nasa 8th spot ang Blackwater (2-4), nabaon sa 11th ang RoS (1-5).

“Kailangan makabawi bukas,” deklarasyon ni Elite coach Aris Dimaunahan. “’Di puwedeng back-to-back losses.”

May tsansa pa sa playoffs, uumpisahan ang paghahabol sa first game sa Cuneta Astrodome mamayang alas-4:30 nang hapon.

“Limang laro natitira, sana maumpisahan na bukas. Kasi dikit-dikit standings sa ilalim. Kailangan naming makaiwas du’n, lalo pa ngayon na pahirap na ng pahirap kalaban,” dagdag ng coach.

Sa kabilang banda, apat na sunod na talo ang E-Painters, nagpalit na rin ng import. Kinuha si dating NLEX reinforcement Kwame Alexander kapalit ni Kayel Locke.

“Must-win for us,” giit ni Painters mentor Caloy Garcia.

Kailangang walisin ng RoS ang huling limang laro para makausad.

“We just have to come out with more fire and focus on the defensive side,” wika pa ng coach. “We need the locals to step up.”

Sina Rey Nambatac, Javee Mocon, Beau Belga at Ed Daquioag ang locals na aayuda kay Alexander.

Panagupa ni Dimaunahan sina Marqus Blakely, Bobby Ray Parks, Allein Maliksi at Mac Belo. Nalagasan ang Elite ng isang gunner kay Mike Digregorio na pinamigay sa TNT kapalit ni Brian Heruela. (VE)