Pasok sina Andray Blatche at Jayson Castro sa top 12 scorers ng natapos nitong Linggo na 2018-19 FIBA (International Basketball Federation) World Cup Asian Qualifiers.

Pagkatiklop ng sixth at final window ng qualifying, No. 7 ang natura­lized player ng Pilipinas sa scoring.

Sa walong salang (may three-game suspension), nag-average si Blatche ng 16.0 points per game. Malaking bulto rito ang 41-point explosion niya nang talunin ng Nationals ang Kazakhstan 93-75 Linggo sa nagyeyelong Astana.

Naka-anim na laro lang si Castro dahil nasuspinde sa rambol ng ‘Pinas at Australia noong Hulyo sa Bulacan. Pero No. 12 sa scoring list sa 14.5 points per outing.

Nasa unahan ng listahan si 2012 Philippine Basketball Association (Petron Blaze) import Nick Fazekas na nagsumite ng 27.2 ppg sa anim na salang din. No. 2 ang naturalized player ng Japan sa rebounds (12.5) per night.

No. 3 si Blatche sa rebounding department sa 12.4 caroms per game, una ang isa pang dating PBA reinforcement Ricardo Ratliffe, ang natura­lized player ng Korea, na nagbaba ng 12.5 boards per night.

Sa centers, pumapangalawa si Blatche (6) sa pinakaraming double-doubles sa likod ni Ratliffe (8). No. 3 si Fazekas (5).

Sapat din sa ninth place ang 3.9 assists per game ni Blatche.