Blatche dapat kondisyon agad – Guiao

Sa kalagitnaan ng January, sisimulan ng Team Pilipinas ang manaka-nakang praktis isang buwan bago ang final window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.

At gusto ni coach Yeng Guiao na narito na sa bansa sa panahong ‘yun si naturalized Andray Blatche para makondisyon. “By mid-January, gusto namin nandito na (si Blatche),” pahayag ni Guiao.

Plano ni Guiao na agahan ang praktis ng national team pool, bagama’t hindi pa agad makakapag-full blast. Nag-umpisa na rin sa mga araw na ‘yun ang season-opener Phi­lippine Cup ng PBA. Lahat ng nasa pool, maliban kina Kai Sotto at Ricci Rivero, ay ga­ling sa 12 teams ng pro league.

“Of course, we can’t practice everyday with the national team,” dagdag ng coach. “What we want to do is in January kung kaya naming mag-practice ng once or twice a week, practice kami.”

Habang pasundot-sundot ang ensayo ng Nationals, isasama ni Guiao si Blatche sa praktis ng NLEX para magamay ang sistema at manatili sa kondisyon.

Hindi naglaro sa hu­ling window ng WCAQ si Blatche dahil binuno ang suspension ng FIBA matapos masangkot sa riot ng Pilipinas kontra Australia noong July sa Bulacan, hindi rin siya tinawag ni Guiao.

Natalo ang Pilipinas sa Kazakhstan at Iran.

Sa Feb. 21 ay haharapin ng Pilipinas ang Qatar bago isunod ang Kazakhs muli sa Feb. 24 sa parehong away game.

Nasa fourth place ng Group F ang Pilipinas sa 5-5 win-loss record, sa likod ng Australia (9-1), Iran (7-3) at Japan (6-4).

Top 3 ng bawat grupo at ang best fourth-placed team ng Groups E at F ang papasok sa World Cup sa China sa August.