Hindi na kailangan ng panukat, sa simpleng tingin lang ay dehado ang Gilas Pilipinas sa height ng Australians.
Biyaheng Melbourne na ang Filipinos kamakalawa, binubuo ng 14-man lineup na tatabasin sa final 12 bago ang tipoff bukas, Feb. 22, sa Margaret Court Arena sa Melbourne.
Parehong 2-0 ang Boomers at Gilas pagkatapos ng window 1 ng 2019 FIBA Cup Asian Qualifiers, magbabasagan sa umpisa ng window 2.
Kung makakadiskarte, mas malamang na dadaanin ng Filipinos sa bilis ng ang pakikisagupa sa Australians.
Sina naturalized Andray Blatche, PBA four-time MVP June Mar Fajardo at Japeth Aguilar lang ang lehitimong bigs sa Nationals. Idagdag ang bagong salta sa squad na si 6-foot-4 Abu Tratter na produkto ng La Salle.
Ang iba ay guards at wings na sina Jayson Castro, Kevin Alas, Kiefer Ravena, Calvin Abueva, Gabe Norwood, Allein Maliksi, RR Pogoy, Matthew Wright, Jio Jalalon at Carl Bryan Cruz.
Nawala sina frontliners Raymond Almazan, Troy Rosario (injured), Mac Belo (injured), Jaymar Perez at Robert Bolick, pati si scoring machine Terrence Romeo.
Walang dudang mabibilis ang tinapik ng coaching staff, mga slasher na may tira rin sa labas. Abangan kung mag-click ang kanilang samahan at kung makakasabay sa mas malalaking Australyano. (Vladi Eduarte)