Blatche halimaw ng Team PILIPINAS

Blatche halimaw ng Team PILIPINAS

Sinulit ni Andray Blatche ang paghihintay sa kanya ng buong sambayanan, nambarako para balikatin ang Team Pilipinas sa 93-75 payback win laban sa Kazakhstan Linggo ng gabi sa Astana.

Halimaw si Blatche sa pasabog na 41 points, 13 rebounds, 4 steals, 3 assists at 2 blocks sa loob ng 29 minutes.

Mula sa field ay 12 of 20 overall si Blatche, 5 for 10 sa 3-point range at 12 of 14 sa stripe.

Wala si Blatche sa dalawang laro sa fifth window, walang naipanalo ang Pilipinas kasama ang 92-88 upset sa Kazakhstan noong Nov. 30 sa MOA Arena.

“We didn’t have Andray in Manila, I think that was one big factor,” lahad ni coach Yeng Guiao, “but I think he carried us on his shoulders tonight.”

Tinapos ng Pilipinas ang 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa 7-5 baraha, humabol sa main tournament sa China sa August.

Maagang nagliyab si Blatche, nagsalansan agad ng 17 points sa first quarter para panatiliin sa laro ang Pilipinas 22-21.

“He just took over the game and that’s what he did for us,” dagdag ni Guiao.

Nasa unahan pa rin ang Filipinos 45-40 sa break, lumayo sa 71-60 pagkatapos ng three bago tinapakan ang silinyador sa fourth.

Perpektong 4 for 4 sa labas ng arc si Jayson Castro tungo sa 15 points, may 9 points at 7 rebounds ang nakabalik na mula sakit na si June Mar Fajardo.

Alam ni Blatche ang nakataya sa laro, wala siyang sinayang na pagkakataon.

“It was a very emotional game for us,” pahayag ni Blatche. “We knew what’s at stake for us. It’s either we win or go home. I feel like we competed from the jump till the end.”