Jordan Clarkson bilang local at Andray Blatche bilang natura­lized ang dream combo ni coach Yeng Guiao para sa Team Pilipinas na isasabak sa 2019 FIBA World Cup.

Umaasa ang coach, at ang Samahang Basketbol ng Pilipinas, na magawan ng paraan para payagan ng FIBA si Clarkson bilang local.

Pero kung wala, kailangang mamili si Guiao sa dalawa.

Si Blatche mas malamang ang pipiliin ng coach.

“Kasi from the beginning kasama na ­natin ‘yan,” paliwanag ni Guiao sa Fast Break ng DZMM. “Napaaway pa nga ‘yan, na-suspend dahil sa mga pangyayari sa Australia.”

Kinarga pa raw ni Blatche ang Pilipinas sa krusyal na final window ng Asian Qualifiers, lalo sa panalo sa Kazakhstan.

Kapag nagsama sina Blatche at Clarkson, isasahog ni Guiao ang core ng squad ng nakaraang qualifying window.
Nagkakaamuyan na ang huling team ni Guiao, mas gamay na ang sistema at tatasahin na lang bago ang World Cup sa Agosto 31-Setyembre 15 sa China.

Tahimik raw na kumikilos ang SBP, sa pangu­nguna ni president Al Panlilio, para ilapit sa FIBA ang pakiusap sa kaso ni Clarkson. Hangga’t maaari ay ayaw nilang mai­ngay ang usapan para hindi magulo ang FIBA.