Pinasuko ng National University Bulldogs ang College of St. Benilde Blazers 25-16, 24-26, 25-11, 25-21 sa second season ng Spikers Turf Collegiate Conference sa FilOil Flying V Centre sa San Juan kahapon.

Naging matinik sa depensa ang Bulldogs at prinoblema ng Blazers ang errors sa kanilang koponan.

Ginanahan ang Blazers matapos makuha ang 2nd set 24-26, pero pinatikim lang pala sila ng Bulldogs nang doblehin ang layo sa third set 25-11.

Humataw sa puntos para sa Bulldogs sina Bryan Bagunas at Madzlan Gampong na nagtala ng tig-21 points, may 11 at 10 sina Ismael Fauzi at Kim Malabunga. Naging tulong sa Bulldogs ang maayos na floor defense at isa sa naging kakulangan rin ng kanilang kalaban.

“Maayos na blockings at serve yung nagpanalo sa amin” lahad ni NU Coach Dante Alinsunurin.

May 23 points si team captain Johnvic De Guzman, pero hindi napigil ang Benilde na lalo pang malubog sa 0-4.

Sa isa pang game, naniguro ng puwesto sa semis ang Ateneo Blue Eagles nang padapain ang University of Sto. Tomas Tigers sa straight sets 25-16, 25-15, 25-21.

Nagpakita ng balanseng scoring ang Eagles, may eight si reigning UAAP back-to-back MVP Marc Espejo, tig-seven kina Joshua Villanueva at Ysrael Marasigan, habang naglista ng 16 excellent sets Ezmilzo Polvorosa.