Inapakan ng St. Benilde ang silinyador sa fourth quarter para iwan ang Mapua tungo sa 74-69 come-from-behind victory sa 93rd NCAA basketball tournament sa FilOil Arena sa San Juan kahapon.
Kinubra ng mga taga-Taft ang pangalawang panalo kontra apat na talo, naiwan sa ilalim ang mga taga-Intramuros na iisa pa lang ang naipanalo sa anim na subok.
Nagpasabog si JJ Domingo ng career-high 24 points, naglista si Senegalese Clement Leutcheu ng 14 points at 17 rebounds para sa Blazers.
Sina Domingo at Leutcheu din ang nagpasimuno sa fourth-quarter run ng Benilde, nagbaon ng tig-5 points para bumalik mula 61-52 deficit pagkatapos ng three.
“We’re super happy, super enthusiastic because our hard work is starting to pay off,” bulalas ni St. Benilde coach TY Tang.
Na-outscore ng Blazers ang Cardinals, 22-8, sa final 10 minutes.
Sa first game, naligtasan ng EAC ang pagkawala ni Cameroonian Hamadou Laminou nang takasan ang Arellano, 85-79, para solohin ang third spot sa 3-2 kartada. Lubog sa 2-4 ang Chiefs.
Nawala si 6-foot-9 Laminou dahil sa left knee injury, rumesponde ang mga tauhan ni coach Ariel Sison sa pamumuno ni Sydney Onwubere na pinuno ang stats box sa isinumiteng 17 points na kinapalooban ng apat na 3-pointers, 14 rebounds, three assists, three blocks at steal.
“He will go an MRI and we hope it’s nothing serious,” ani Sison kay Laminou na dalawang buwan na ang nakakaraan ay inabot naman ng torn right MCL (medial collateral ligament).
Isa pa sa bayani ng Generals si Jerome Garcia na may 13 points lahat sa second half, 10 rito sa third nang kumalas ang EAC sa 43-43 halftime count tungo sa 67-59 lead papasok ng fourth. May 14 si Jesse Bautista.