Kung ikaw ay may social media page na may 5,000 followers at 18-anyos pataas, maaari ka nang magkaroon ng pagkakataon na makapagkober sa aktibidad ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte.

Kinumpirma kahapon ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na nilagdaan na niya ang Department Order No. 15 na siyang gagabay sa accreditation ng ­social media practitioner.

“The purpose of this Order is to provide an interim system of accreditation for social media participation in the coverage of special events attended by the President, in order to generate news and ­information for the citizenry through social ­media platforms,” paliwanag ni Andanar.

Kung dati ay 1,000 followers lang ang requirement, itinaas ito ni Andanar­ sa 5,000 followers.

Kinumpirma rin ni Andanar na ang dating singer/sexy performer/blogger at ngayon ay PCOO Assistant Secretary Mocha Uson ang ­siyang mangangasiwa sa accreditation process.

Subalit kung ang mga miyembro ng Malacañang Press Corps (MPC) ay puwedeng mag-cover ng buong taon sa Pangulo, ang blogger na mabibigyan ng akreditasyon ay limi­tado lang sa bawat event o aktibidad.

Nitong nagdaang linggo, tumanggap ng kritisismo ang PCOO matapos na bigyan ng akreditasyon ang dating abogado ni pork barrel queen Janet Napoles na si Bruce Rivera upang magkober ng ASEAN Ministerial Meetings.