Hindi magpapaareglo ang pamilyang naulila ng Pinay domestic helper na si Joanna Demafelis sakaling alukin sila ng blood money ng mag-asawang amo nito sa Kuwait dahil kailangan din umanong pagbayaran ng mga ito ang brutal na pamamaslang sa kanilang kasambahay.
Ito ang inihayag ni Jojet Demafelis, ang nakatatandang kapatid ni Joanna, matapos mabalitaan na hinatulan ng Kuwaiti court ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng bitay ang mag-asawang sina Nader Essam Assaf, isang Lebanese, at Mona Hassoun, Syrian national.
Inilabas ng korte ang hatol kahit wala ang mag-asawa na kasalukuyang nasa kustodiya pa ng mga awtoridad sa Syria.
Ipinahayag ni Jojet na nabawasan kahit papaano ang bigat na dinadala ng kanilang pamilya lalo na ang kanyang mga magulang at kapatid.
Handa rin umanong magtungo ang kanyang pamilya sa Kuwait upang tumestigo sa paglilitis sa mga employer ni Joanna.
Ang blood money ay kabayaran sa pamilya ng napatay na kaanak nito.
Samantala, magkakaroon umano ng pag-uusap sa pagitan ng embahada ng Pilipinas sa Beirut at mga awtoridad ng Lebanon kung paano hahawakan ang kaso ni Assaf.
Sinabi kahapon ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Sarah Lou Arriola na gagawin ang pag-uusap ngayong Martes upang malaman kung ano ang magiging proseso sa paglilitis.
Kapag nagpasya umano ang Lebanon na litisin ang among lalaki ni Joanna sa Beirut ay nakahanda rin ang gobyerno ng Pilipinas na magtalaga ng mga abogado para tumulong sa kaso ng pinaslang na Pinay DH.
Ipinahayag din ni Ambassador to Kuwait Renato Villa na hiniling ng mga awtoridad ng Kuwait ang extradition sa among lalaki ni Joanna ngunit posible rin umano na tanggihan ito ng Lebanon at magpasyang litisin na lang si Assaf sa Beirut.