Iginiit ng isang mambabatas sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Labor and Employment (DOLE) na humingi rin ng blood mo­ney para sa mga naulila ni Jeanelyn Villavender, ang Pinay domestic helper na pinatay ng kanyang amo sa Kuwait.

Ayon kay Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun, dapat i-apply din ang blood money sa kaso ni Villavende maliban pa sa mabilis na prosekusyon at pagpapataw ng hatol laban sa mga pumatay sa kanya.

Hindi naman kasi aniya naiintindihan ng mga Kuwaiti ang pinirma­hang bilateral agreement ng kanilang gobyerno sa Pilipinas para sa proteksyon ng mga overseas Filipino worker. Kaya dapat lang makipag-usap sa mga Kuwaiti sa paraan na maiintindihan nila.

“Blood money they understand. The bilateral agreement, that they do not understand. We should communicate with them in ways they can understand,” ani Fortun.

Kailangan aniyang wakasan na ng ating pamahalaan ang patuloy na pagbabalewala ng mga Kuwaiti sa bila­teral agreement na pinirmahan noong Mayo 2018. (Lorraine Gamo/JC Cahinhinan)