Dalawa na namang drug personalities ang tumimbuwang makaraang manlaban sa mga operatiba ng Quezon City Police District Station 6 sa buy-bust operation na ikinasa ng mga awtoridad sa Barangay Silangan ng nasabing lungsod, kamakalawa.

Sa report kay QCPD Director Chief/ Supt. Guil­lermo Lorenzo Eleazar, nakilala ang mga nasawi na sina Bernabe Sabangan, alyas ‘Nonong’, 24, binata, ng Block 4, Lot 16; at Arnold Vitales, alyas ‘Anot’, 21, binata, ng Block 2, Lot 7, kapwa ng Tagumpay Village, Barangay Silangan, Quezon City.

Nakaengkwentro ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency National Capital Region (PDEA-NCR) at mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit ng PS-6 sa pamumuno ni P/Supt. Lito Patay ang mga nasawing suspek.

Nangyari ang insidente dakong alas-11:35 ng gabi sa mismong bahay ni Sabangan nang makatunog ang mga suspek na mga awtoridad ang katransaksyon kaya pinaputukan ang mga operatiba na agad gumanti na ikinasawi ng mga suspek.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Opera­tives (SOCO) narekober sa crime scene ang apat na piraso ng sachet ng shabu, dalawang piraso ng kalib­re. 38 baril na gamit ng mga suspek, at iba’t ibang uri ng basyo ng mga bala.