Hindi kaligtasan kundi dugo ang bumahid sa isinagawang checkpoint sa Quezon City kahapon ng madaling-araw nang dalawang lalaki ang napatay makaraang takasan ang checkpoint at makipagbarilan sa mga alagad ng batas.
Sa ulat ng Quezon City Police District-District Special Operation Unit (DSOU), ganap umanong alas-3:30 ng madaling-araw habang nagsasagawa sila ng checkpoint kasama ang mga taga-Anti-Carnapping Unit sa kahabaan ng Sauyo Road ng nasabing lugar nang mapadaan ang dalawang mga kalalakihang lulan ng isang motorsiklo at basta na lamang nilagpasan ang kanilang isinasagawang operasyon.
Agad naman itong hinabol ng mga alagad ng batas ngunit sa halip na huminto ay bigla na lamang na pinaputukan ng mga ito ang mga pulis dahilan upang paputukan na rin sila hanggang sa pareho nang matamaan.
Nang lapitan na ng pulisya ay nakita nila ang isa sa mga suspek na nakasuot pa ng police vest. Bamaga’t tadtad ng tama ng bala ay buhay pa ang mga suspek kaya’t agad na isinugod ang mga ito sa Far Eastern University (FEU) Hospital ngunit hindi na rin pinalad na mabuhay at nasawi bago pa man makarating sa nasabing pagamutan.
Na-recover sa pinangyarihan ng insidente ang isang driver’s license na may nakalagay na pangalang Vicente Villarosa na kinukumpirma pa kung pagmamay-ari nga ng isa sa mga suspek dahil medyo malayo ang itsura nito.
Nakitaan din ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang mga ito, isang .38 revolver at .45 caliber na baril.
May nakita ring mga iba’t ibang bank statement at mga cheque sa mga suspek na ang isa ay nagkakahalaga ng kulang-kulang P60,000.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng pulisya at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng mga napatay na suspek.