Bloody motel buy-bust

Naging madugo ang buy-bust operation sa isang lodging inn sa Quiapo, Manila kahapon ng hapon nang dala­wang la­laking Muslim na pinaghihinalaang tulak ng illegal drugs ang agad na tumimbuwang sa kamatayan nang pagbabarilin ng poseur buyer na isang pulis na binunutan nito ng baril, kahapon ng hapon sa Quiapo, Maynila.

Ayon kay PC/Insp. Michael Garcia, commander ng Barbosa Police Community Precinct, nakilala lamang ang dala­wang suspek sa mga alyas na Khairo at Bentong.

Si Khairo ay una nang naaresto kamakailan at nasa drug watchlist ng pulisya.

Naganap umano ang buy-bust operation dakong alas-kuwatro ng hapon sa Room 301 ng 888 Diamond Lodge sa may Gunao St. corner Norzagaray St., Quiapo, Maynila.

Nabatid na isang pulis ang nangpanggap na poseur buyer, pero pag-ak­yat sa motel, nakita nito na nakabunot na ng baril si Bentong, kaya pinaputukan na ito ng pulis na na­ging sanhi ng agarang kamatayan ng dalawang suspek.

Nalaman na umuupa ng kuwarto ang mga suspek sa lodging inn dahil pinaalis na ang mga ito sa pag-iiskuwater sa mosque.

Binitbit naman ang dalawa ng kanilang mga kamag-anak na Mulism na tumangging magbigay ng pahayag para sa tradisyunal na paglilibing.

Nakuha sa mga suspek, ang isang .38 kalibre, granada at apat na sachet ng shabu.

Sinabi naman sa reception ng lodging inn na hindi nila alam na naka-check in ang dala­wang lalaki sa motel dahil isang mag-asawa umano ang kumuha ng room 301, may dalawang araw na ang nakakalipas, pero hindi nila ito kinuhanan ng identification card o ID.