Literal na nadilig ng dugo ang magdamag sa magkahiwalay na lugar sa Quezon City makaraang tumimbuwang ang sampung mga drug personalities kabilang ang isang babae makaraang manlaban umano sa mga awtoridad sa isang anti-illegal drug operation sa nasabing lungsod kahapon.
Sa report na isinumite kay QCPD Acting District Director PSr /Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ni P/Supt. Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) unang bumulagta ang anim na mga nasawing suspek sa pangunguna ng nag-iisang babae na si Letecia Pascion, may-asawa; Ronaldo Ceron y Sollegue, 46; Ronnie Bardon y Valestine, 27; Jose Francisco Ledesma y Robia, 40; Jonathan Abe y Gaviola, 36; at Golder Almero y Verania, 37; pawang residente ng Pasacola Area C, Interior Dulo, Brgy. Nagkaisang Nayon, QC.
Ayon kay Marcelo unang naka-engkwentro ng anim ang mga tauhan ni P/Senior Insp. Randy Llanderal at 10 pang personnel ng Station Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Group (SAID-SOTG) ng QCPD Station-4 bandang alas-7:45 ng gabi sa Pasacola Area C, Dulo, Interior Dulo, Brgy. Nagkaisang Nayon.
Bago ang engkwentro ay isang buy-bust operation ang ginawa ng SAID-SOTG sa lugar kung saan nagpanggap na posuer buyer ng shabu si PO1 Neil Mendoza. Nasa aktong umanong nag-aabutan ng shabu at marked money nang makatunog ang mga suspek na pulis ang kanilang ka-deal kaya inalarma ni Ledesma ang iba pang kasamahan na noon ay nagpa-pot session at pinaputukan ang mga operatiba na nauwi sa palitan ng putok.
Pagkaraan ng ilang minutong palitan ng putok ay nasundan ito ng katahimikan at nakita ang mga suspek na pawang naliligo sa kanilang dugo.
Alas -12:30 ng gabi naman dalawa pa ang suspek sa katulad din na anti-illegal drugs operations ng QCPD Station 6 ang nasawi na nakilala lang ang isa sa alyas na Moymoy habang inilarawan ang isa na may taas na 5’6”-5’8” na nakasagupa ng mga ito ang mga operatiba sa Navarro Compound Ordonel St.Brgy.Holy Spirit, Quezon City.
Bago pa mag-umaga o alas-kwatro ng madaling araw ay dalawa pa ang nasawing suspek matapos na maka-engkwentro ng mga operatiba ng QCPD Masambong Station 2 na kinilalang sina Marlon Sarenio y Tianson, 22, single, jobless, at John Paul Ocdina y Tugbo, 19, single, jobless, kapwa residente ng No.62- Antique St, Brgy. Ramon Magsaysay, Quezon City.
Lumilitaw sa engkwentro na isang Mary Rose Tapic y Bondoc ang nagreklamo sa pulisya na hinoldap ng huli kaya’t agad na nagsagawa ng follow-up operation ang QCPD Masambong Stn.2 at naispatan ang mga suspek sa isang lugar sa No.1012 Edsa Northbound, Corregidor, Brgy. Ramon Magsaysay, Quezon City na nakatunog at pinaputukan ang paparating na mga pulis na agad naman gumanti ng putok at tinamaan ang mga suspek.