Binitbit ng mga tauhan ng Bureau of Customs Intelligence group ang isang Custom Examiner sa kanyang mesa sa loob ng composite warehouse ng BOC bago mananghali kahapon sa Parañaque City.
Itinurn-over sa National Bureau of Investigation Special Action Unit (NBI-SAU), ang custom examiner na si James Zuño Caringal, pamangkin ni dating state prosecutor Jovencito Zuño.
Nabatid na si Caringal na 19 na taon na ding empleyado ng BOC ay kaagad na dinampot matapos na ilagay sa kanyang drawer ang P20,000 suhol.
Ayon sa NBI, ang supervisor ni Caringal na si Norsarem Raymond Mama-o na nasa tanggapan nang isagawa ang entrapment ay nagpakilala sa NBI, na supervisor siya ni Caringal.
Nabatid na si Mama-o ay isa sa mga pinangalanan ni Senator Panfilo Lacson na kabilang sa mga corrupt na personnel ng BOC na narinig na nagbibigay ng instruksiyon kay Caringal na maging ‘cool’.
Ipinaliwanag umano ni Mama-o sa mga NBI agent na kinakailangan niyang makausap si Caringal dahil staff niya ito.
Binisita naman ni Zuño, ang kanyang pamangkin na nasa NBI-SAU kung saan inihahanda ang kaso laban sa kanya pero hindi humingi ng anumang pabor sa mga imbestigador. (Juliet de Loza-Cudia/Nancy Carvajal)