BOC maraming bakanteng trabaho

Hindi pa rin maalis ang inis at galit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga opisyal at tauhan ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa talamak aniyang katiwalian.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa isang aktibidad sa Cagayan de Oro City na dahil inilagay nito sa floating status ang mga opisyal at kawani ng ahensiya, marami ngayon ang bakanteng puwesto.

Dalawang pinagkakatiwalaang opisyal aniya ang itinalaga niya sa BOC pero nagawang mapalusutan ang mga ito ng mga tiwaling opisyal at tauhan na matagal nang nagpapasasa sa iligal na gawain.

“Ang Bureau of Customs – do you want to ­apply? There are plenty of available positions in the Bureau of Customs now. Ta*****, I really…,” anang Pangulo.

Sinabi ng Presidente na hindi niya tutuldukan ang kanyang political career na siya ay pag-uusapan dahil sa korapsiyon.

Kasabay nito, muling ipinagtanggol ng Pangulo si dating BOC Commissioner Isidro Lapeña at iginiit na malinis ito at may integridad at naga­wang mapalusutan ng mga tiwaling sindikato sa dating ahensiya.

Binigyang-diin ng Presidente na hindi niya papayagang pagmumukhain siyang inutil habang nagpapatuloy sa katiwalian ang mga nasa BOC.

“I will not sit as President and let you render me inutile as you continue with your corruption there in Customs right infront of me. P*****i** n’yo!” ang galit na pahayag ng Pangulo.