Nangangapa pa sa dilim ang Bureau of Customs (BOC) kung ano ang pinag-ugatan ng 10 oras na sunog na tumupok sa central office nito sa Port Area, Maynila Biyernes ng gabi kung saan nasa P50 milyon ang tinatayang halaga ng mga napinsala.

Dahil dito, ipinag-utos ni BOC Commissioner Rey Guerrero ang masusing imbestigasyon sa insidente at inatasan ang Internal Administration Group at Port of Manila na magsumite ng incident report kay Finance Secretary Carlos Dominguez III at sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pinawi rin ni Guerrero ang mga pangamba na baka maparalisa ang operasyon sa central office ng BOC at tiniyak nito na puspusang magtatrabaho sila para maibalik ang normal na operasyon sa Port of Manila.

Inaayos na aniya ng Management Information System and Technology Group ang kanilang information system sa Port of Manila.

Inatasan na rin aniya ang Enforcement and Security Service para bantayan ang mga nasunog na tanggapan sa central office habang pinatutukan naman sa Intelligence Group at Customs Intelligence and Investigation Service ang pagtukoy sa pinagmulan ng sunog.

Tiniyak ni Guerrero na makakabangon agad sila sa insidente at babalik sa normal ang operasyon ng BOC.