BOC sa NAIA suko sa P4.7B buwanang target collection

Umapela kay ­Bureau of Customs (BOC) Commissioner Isidro ­Lapeña ang mga kawani ng BOC-Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na bawasan ang nakatokang buwanang collection ­target nila na umaabot sa P4.7 bilyon.

Ayon kay NAIA customs district III collector Carmelita “Mimel” Talusan, bawat customs employee sa NAIA ay ginagawa ang makakaya para maabot ang ina­atang na collection ­target, subalit sa pagpasok pa lang ng kasalukuyang buwan ay tila mahihirapang makamit ang inaasam na collection ­target sa airport.

Sinabi pa ni Talusan na ang pagkolekta ng bilyong piso na revenue ay imposible dahil ang NAIA collection district ay nakatoka sa public service at ang dumara­ting dito ay pawang mga “perishable goods”.

Pinalitan ni Talusan si Collector Vincent Philipp Maronilla noong nakaraang Lunes matapos itong mabigo na maabot ang collection target na P4 bilyon kada buwan.

Noong 2015, ang collection target ng BOC-NAIA ay P34.7 billion at ang nakolekta lamang ay umabot sa P31.2 bilyon, at sinundan ito noong 2017 na ang target ay P41.9 billion, subalit nakakolekta lamang ito ng P35.8B. Ngayong 2018, ang target ay P55 billion.

Idinagdag pa ni ­Talusan na, “hindi naman kami puwedeng magparating ng mga ­imported cars”.

Ang regular shipment na dumarating dito sa airport ay mga pharmaceutical, gadgets at aircraft parts.