Natameme ang Bureau of Customs (BOC) sa Zamboanga City matapos na mabigo itong makuha ang halos 100 tonelada ng mga asukal na ipinuslit sa siyudad galing sa Thailand.

Naharang kamakalawa ng mga pulis ang tatlong lantsa na may karga sa mga kontrabando ‘di kalayuan sa isla ng Sacol at dinala ang mga ito sa Brgy. Taluksangay upang maimbentaryo.

Anim na sako rin na may kakaibang laman at posibleng sangkap sa droga ang nakumpiska sa mga lantsa.

Agad naman pinuntahan ni Customs chief Benhur Arabani ang mga kargamento upang dalhin ito sa kanilang bodega ngunit tumanggi ang mga opisyal ng barangay at si Councilor Lilibeth Nuno na ibigay ang mga ito sa takot na mawala mula sa pangangalaga ng BOC dito.

Ilang beses na umanong nawala sa bodega ng BOC ang libu-libong sako ng smuggled rice sa mga nakalipas na panahon.