BOC tutok sa mga tiwaling negosyante ng medical supplies

Habang kasalukuyang nakikipaglaban ang bansa sa nakamamatay na coronavirus, patuloy namang pinaiigting ng Bureau of Customs (BOC) – Intelligence Group (IG) ang pagbabantay sa mga tiwaling negosyante na nagsasamantala sa sitwasyon at nagbebenta ng mga overpriced na personal protective equipment (PPE) at medical supplies.

Nabatid na nagsasagawa na rin ng case build-up ang BOC, National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Trade and Industry (DTI) para idiin at panagutin ang mga personalidad na ilegal na nagbebenta ng mga medisina, na umano’y kayang gumamot ng COVID 19 infection.

Sa kanilang operasyon, patuloy namang nakikipag-ugnayan ang BOC sa mga concerned agencies, gaya ng Philippine Coast Guard (PCG), DTI at NBI, sa pag-iimbestiga sa mga negosyanteng nagtitinda ng mga gamot na sinasabing lunas sa COVID-19, ngunit wala pang permiso sa Food and Drug Administration (FDA).

Iniulat ng BOC-IG na masusi nilang minumonitor ang sitwasyon sa iba’t ibang daungan at bina-validate ang mga ulat hinggil sa mga ipinupuslit o smuggled na PPEs at medical supplies, na mataas ang demand ngayon dahil sa pandemic.

Sa pakikipag-ugnayan sa kanilang counterparts mula sa NBI, DTI at PCG, patuloy na nangangalap at nagba-validate ng impormasyon ang BOC mula sa mga mapagkakatiwalaang sources para sa posibleng lead hinggil sa ilegal na bentahan ng mga pangunahing health supplies at mga medisina.

Nabatid na sa loob lang ng isang linggo, o mula Marso 25 hanggang Marso 31, sinalakay ng BOC-IG ang tatlong medical supply stores sa Maynila at nakumpiska ang tinatayang P20 milyong halaga ng PPE at medical supplies tulad ng facemasks, gloves, goggles, at iba pang medical items, kabilang ang mga alcohol, thermal scanners, test tubes, at mga syringes.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang nagaganap na forfeiture proceedings laban sa tatlong establisimyento sa Law Division ng BOC, kung saan ang mga may-ari nito ay nahaharap sa posibleng kasong kriminal sa korte.