Huli sa akto ang chief of police ng Bocaue police station na tumanggap ng suhol na cellphone kapalit ng nakumpiskang sasakyan sa isinagawang entrapment operation ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police-Counter Intelligence Task Force(PNP-CITF), Highway Patrol Group (HPG) at Intelligence Group (IG) sa mismong tanggapan ng opisyal sa Barangay Poblacion, Bocaue, Bulacan kahapon ng hatinggabi.
Kinilala ang inarestong opisyal na si P/Supt. Jowen dela Cruz na nahaharap ngayon sa patong-patong na kasong kriminal tulad ng extortion, robbery at carnapping bukod pa sa inaasahang isasampang kasong administratibo matapos na ireklamo ng kanyang nabiktima sa isinasagawa nitong drug operations na kanya umanong ninanakawan at tinatangayan ng mga sasakyan at personal na kagamitan.
Pasado alas-12:00 ng hatinggabi nang maglatag ng entrapment operation ang PNP-CITF sa pangunguna ni P/Supt. Joel Estaris, HPG at IG sa opisina ni Dela Cruz na sakop ng Brgy. Poblacion, Bocaue kung saan mismong kapatid ng naarestong drug suspect ang siyang mag-aabot ng iPhone kay P/Supt. Dela Cruz kapalit ng kinumpiskang Montero Sport sa drug operation noong Setyembre 5.
Walang nagawa ang nasabing opisyal nang pasukin ang kanyang opisina ng kapwa unipormadong pulis sa pangunguna ni P/Supt.Estaris at marekober sa kanya ang tatlong cellphone kabilang ang ginamit sa entrapment operation gayundin ang dalawang baril at mga bala.
Lumilitaw na raket umano ni Dela Cruz na ipakuha sa kanyang mga tauhan ang lahat ng mga sasakyang nasa paligid ng kanilang drug operation noong Setyembre 5 maging ang personal na kagamitan ng kanilang nadakip na suspek tulad ng shades, sapatos at bracelet na hindi isinasama sa imbentaryo.
Lumilitaw na maging ang tauhan ni P/Supt. Dela Cruz ay pumapalag sa sistema ng kanilang hepe dahil sa pagkuha ng mga sasakyang hindi naman sangkot sa operasyon laban sa droga.