Subic bagsakan ng bulok

Nasakote ng pinagsanib na grupo ng National Bureau of Investigation ng Olongapo City at Subic Bay Metropolitant Authority (SBMA) Law Enforcement Department (LED) ang pitong katao na nasa isang warehouse kung saan nagbebenta ng mga expired product sa loob ng Subic Bay Freeport Zone kahapon.

Sa interview kay NBI Head Agent In- Charge Atty. Orlando Navallo, ang malaking warehouse na ni-raid na pag aari ng kumpanyang Phil-Em Enterprises ay nakatalaga sa Global Industries sa loob ng Subic Bay Freeport Zone at ang proprietor nito ay nasa linya ng selling, distribution at exportation ng iba’t ibang produkto na ibinibenta sa mga malalaking groceries.

Ang isinagawang raid ng NBI ay sa bisa na rin ng search warrant mula kay Olongapo City RTC Branch 74 Assisting Judge Michael Real.

Sumabit ang nasabing kompanya dahil sa isinagawang surveillance ng NBI at natuklasang ang mga produktong ibinibenta nito sa iba ay expired, nearly expired at pinapalitan na lang nila ang mga expiration date saka ibinibenta sa mga buyers na may malalaking groceries at tindahan pang local at pang export din, ani Navallo.

Dagdag pa ni Navallo, ang nasabing kompanya ay matagal nang nag-ooperate sa loob ng Freeport Zone at nagbebenta ng mga expired product tulad ng Kape, Sardinas, junk foods, palaman sa tinapay, frozen foods at iba pang mga produkto na kilalang brands sa merkado.

Samantala, ang may-ari ng naturang kompanya ay nahaharap sa kasong paglabag sa Consumer Act of the Philippines (RA 7394), Food and Drugs Administration (RA 9711) at Food and Safety Act of 2013 o (RA 10611). (Randy V. Datu)