Kinumpirma ng Public Attorney’s Office (PAO) na dumanas ng matinding torture at mistulang ginawang target range ang katawan ng pinaslang na bodyguard ni dating Biliran Rep. Glenn Chong.

Nabatid na nagsagawa ng re-autopsy ang PAO sa bangkay ng biktimang si Richard Santillan sa pamamagitan ng forensic team na pinamumuan ni Dr. Erwin Efre at nakitaan ng 60 sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan ang bodyguard ni Chong.

Lumabas din sa pagsusuri na may 17 entry wound at 12 exit wound sa katawan ang biktima.

Sinabi ni Efre na nakitaan ng mga tama ng bala sa kanyang ulo, leeg, dibdib, braso at hita si Santillan bukod pa sa pitong hiwa malapit sa puwet nito at maraming galos din at may limang bali sa kanyang braso at hita.

“Mukhang tinorture po si Richard bago siya pinatay. So dalawang episode po ‘yun: one is sa tingin po namin noong buhay pa siya ay sinaksak siya, multiple puncture wound at binugbog si Richard at may mga tama rin po sa kanyang ulo,” ayon kay Erfe.

“Consistent po iyon na inilagay siya sa kotse at doon binaril pero at that time mukhang patay na siya because there is no more tissue reaction,” dagdag pa ni Erfe.

Base sa naunang ulat ng pulisya, napatay si Santillan at isang kasamang babae sa shootout na naganap sa Cainta, Rizal noong Disyembre 10.

Pinaghihinalaang miyembro si Santillan ng isang grupo na sangkot umano sa nakawan, iligal na droga at pagpatay.
Humingi ng tulong sa PAO si Chong para imbestigahan ang pagkamatay ni Santillan na dinukot umano saka pinahirapan bago tuluyang pinatay.

Dahil sa insidente ay sinibak ang hepe ng pulisya sa lalawigan ng Rizal at ang kanyang mga tauhan na sangkot sa operasyon habang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon.