Pinatawan ng Sandiganbayan ng 90-araw na ‘preventive suspension’ si Bohol Governor Arthur Yap dahil sa pagkakasangkot sa multi-bilyong piso na Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

Sa resolusyong ipinalabas ng Sandiganba­yan na may petsang Setyembre 18, inatasan nito ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipatupad ang suspension order laban kay Yap.

Nabatid na si Yap ay dating Agriculture secretary, at kasamang akusado ni dating Misamis Occidental 1st District Representative Marina Clarete sa umano’y paglilipat ng may P62 milyon PDAF sa mga pekeng non-government organization (NGO).

Nalaman na si Yap ay naglagak ng P300,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya sa graft case.

Ang ipinataw na suspension order ay alinsunod sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

“To repeat, the court has neither discretion nor duty to determine whether or not a preventive suspension is required to prevent the accused from using his office to intimidate witnesses or frustrate his prosecution or continue committing malfeasance in office,” nakasaad sa resolusyon ni Presi­ding Justice and Division Chairperson Amparo Cabotaje-Tang at Associate Justices Bernelito Fernandez at Ronald Moreno.

Iginiit ni Yap na hindi niya kayang manipulahin ang sinasabing halaga dahil umalis na siya ng Department of Agriculture (DA) noong pang 2010. (JCudia)