Kinasuhan ng Office of the Ombudsman si Anda, Bohol Mayor Angelina Simacio dahil sa paglabag sa Section 3(g) ng Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) na may kinalaman sa P2.4 milyong overpriced na multi-purpose center na ipinatayo noong 2013.

Natuklasan na si Simacio ay siyang nagpasimuno sa konstruksyon ng Anda Multi-Purpose Building/Center na isinailalim sa public biddings at nanalo ang A.S.O. Construction para sa halagang P2,498,923.50.

Lumitaw sa rekord na ang naturang center ay pinondohan ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni dating senador Juan Ponce Enrile.

Noong Oktubre 7, 2013, nag-isyu ang Commission on Audit (COA) ng Audit Observation Memorandum, na kung saa’y lumitaw na overpriced ang naturang proyekto ng halagang P754,517.36.

Sa kaugnay na administrative case, napatunayang guilty si Simacio sa kasong Simple Neglect of Duty at inutos ang pagsuspende dito ng tatlong buwan.