Bola kesa ospital

Teodorico ‘Boyet’ Fernandez III

Ni Aivan Denzel Episcope

Astig sa pagdribol bilang basketbolista, tigasin din sa pagmamando nang maging coach, pero malambot pagdating sa pamilya.

Ito ang tagong karakter ng registered nurse, winning basketball coach Teodorico ‘Boyet’ Fernandez III dahil ang ‘di alam ng karamihan, pagdating sa bahay, kusinero siya ng kanyang mag-iina.

“Pag sa bahay minsan pinaglulutuan ko pamilya ko,” di nahihiyang pag-amin ni Coach Boyet, 48 (b. July 30, 1971) sa panayam ng Abante TONITE.

Bago pa makilala ang isang coach Boyet, totoy pa lang ito’y hilig nang maglaro ng bola kasama ang mga kapatid. “Mga five years old akong nagsimula mag-basketball,” pagtanaw-balik niya. “Ang tatay ko ang inspirasyon ko at coach namin.”

Ang pagkahilig sa bola ang gumuhit sa kanyang kapalaran. Tumatak ito sa kasaysayan ng sport at naimarka ang sariling pangalan nang maglaro sa Philippine Basketball Association, nagsimula nang maging 1st round, 7th pick overall ng RFM Swift at tumagal dito noong 2004.

Sa katunayan ay bitbit niya ang karanasan bilang isang successful player ng mga koponang Sta. Lucia Realtors, Alaska Milkmen, Pop Cola Panthers, Purefoods Tender Juicy Hotdogs at National team taong 1991 na kumamada rin ng gold medal sa 1991 SEA Games.

Pagdating naman sa pagmamando ng team ay ‘di siya matatawaran dahil naglista nang mahabang parangal mula sa iba’t ibang koponang ginabayan niya.

Nagsimulang mag-coaching staff sa Realtors bilang assistant ni Alfrancis Chua. Taong 2007 nang hawakan ang buong koponan sa 2007 PBA Fiesta Conference. Sa sumunod na taon ay binigyan ang team ng unang PBA All-Filipino title.

Dahil sa nakamit na panalo, siya ang naging PBA Press Corps Coach of the Year.

Iniarangkada niya ang NLEX sa PBA D-League mula 2011 kung saan humakot ito ng anim na kampeonato sa pitong paggabay sa Road Warriors.
Dahil sa dedikasyon at sipag ni Fernandez nakilala ang NLEX at nang bilhin din ang prangkisa ng Air21 taong 2014, itinalaga siyang bench tactician.
Mula propesyunal at komersiyal na liga ay nagbahagi siya ng talento. Kahit sa collegiate league gaya ng NCAA.
Isa sa kanyang obra maestra ang San Beda Red Lions na nakaapat na trono sa NCAA.

***

q&a

TONITE: Bilang coach ng San Beda, ano po ang secret weapon n’yo o magic formula para magtuloy-tuloy ang panalo gaya last season.
Fernandez: Sipag at tiyaga talaga ang puhunan namin, saka siyempre ‘yung depensa namin, basta ang gusto ko lang lagi ay preparado ang team every game.
TONITE: Ano ang maipapayo ninyo sa aspiring basketball players na gustong makatapak sa NCAA, UAAP o makapasok sa PBA?
Fernandez: Mag-aral, mag-practice nang maigi para mag-improve, makasabay sa mga ibang player. At siyempre alagaan ang sarili, iwasan ang masamang bisyo katulad ng drugs, sigarilyo o abusong pag-iinom ng alak.
TONITE: Sakaling may mag-udyok o humirit sa inyong pumasok sa politika gaya ni Sen. Emmanuel Pacquiao, may plano rin po ba kayo?
Fernandez: ‘Di ko pa iniisip yan pero ‘di ko naman sinasara ang pinto sa politika. Pero meron na nagpaparinig dati doon sa bayan namin sa Negros, pero ‘di ko muna ito tinanggap.
TONITE: Sino po si coach Fernandez, pagdating sa bahay o ‘pag kasama ang pamilya?
Fernandez: Simpleng tatay lang ako, ‘pag sa bahay minsan pinaglulutuan ko pamilya ko. Namamasyal din kami ‘pag may may time at kung malaki ang pahinga sa training, nagbabakasyon kami para mag-bonding kaming pamilya.