Team Standings W L
Lyceum 14 1
San Beda 14 1
Letran 10 4
Perpetual 10 5
St. Benilde 8 7
Arellano 4 10
Mapua 4 11
San Sebastian 4 11
EAC 4 11
JRU 2 13

Mga laro ngayon:
(FilOil Flying V Center)
12:00 nn. – EAC vs Mapua
2:00 p.m. – JRU vs Arellano U
4:00 p.m. – Letran vs Lyceum

Sinakmal ng two-time defending cham­pion San Beda University ang eight-game winning streak matapos ilampaso ang College of St. Benilde 77-55 kahapon sa 94th NCAA basketball tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan.

Nagliyab ang opensa ni skipper Robert Bolick upang tulungan ang Mendiola-based squad na itarak ang 14-1 card at manatiling may tsansa sa pagsilo ng top spot.

Nirehistro ni gradua­ting guard Bolick ang 19 points, apat na assists at tatlong rebounds para sa SBU habang bumakas sina Javee Mocon at Donald Tankoua ng tig-13 markers.

Isang panalo na lang at makasisiguro na ang San Beda sa inaasam na twice-to-beat incentive pagkatapos ng 18-game elimination round.
Bibiyayaan ng insentibo ang top two teams sa semifinals.

Nalasap naman ng Blazers ang pangalawang sunod na talo kaya nanganganib silang hindi makasampa sa susunod na phase.

Tumipa si Clement Leutcheu ng 12 puntos, 13 rebounds at tatlong blocks para sa St. Benilde na tangan ang 8-7 karta.

Samantala, nagwagi ang Perpetual Help sa San Sebastian College 85-77 sa unang laro.