Nakumpleto ng Meralco ang clutch plays sa stretch para ipreserba ang 86-83 panalo kontra Mahindra sa Mall of Asia Arena kagabi at naniguro na ang Bolts ng playoff sa twice-to-beat bonus sa PBA Governors’ Cup quarterfinals.

Naglista si Allen Durham ng 34 points at 17 rebounds, nag-click ang depensa ng Bolts sa dulo para pigilin ang Enforcer sa paubos na sandali.

Nakawala sa back-to-back losses, a­ngat ang Meralco sa 6-5 at maghihintay ng makakaharap sa knockout game alinman sa Alaska, Phoenix o NLEX na pare-parehong may 5-5 cards para pag-agawan ang No. 4 spot at win-once advantage kontra No. 5 sa susunod na round.

“It’s actually nice to win a close game for a change,” bulalas ni coach Norman Black, naging pang-apat na coach sa PBA na naglista ng at least 600 wins kasunod nina Tim Cone (832), Yeng Guiao (636) at Baby Dalupan (601).

Apat sa limang laro ay natalo ang Bolts ng apat na puntos o mas mababa pa.

“The ball bounced our way today and we won the game and that’s the only thing that matters,” dagdag ni Black. “We’ll take this and now we just have to wait back and see who we’re gonna play next.”

Nakibuhol sa 6-5 ang Mahindra, aantayin din ang katapat sa KO games.

May 27 points at 12 rebounds si James White, kumana ng back-to-back jumpers para ilagay sa unahan ang Mahindra 83-82 may 2:01 pa sa laro.

Pero hindi nasustine ng Enforcer ang lead dahil airball ang sunod na pukol ni Aldrech Ramos, at matapos agawin ng Meralco ang lead sa basket ni Durham ay nagka-turnover ang Mahindra nang hindi makuha ni White ang pasa ni Ramos 5.2 ticks na lang.

Muntik mawala kay Baser Amer ang bola pero natapik kay Durham na nagsalpak ng dalawang free throws katiting na 1.2 seconds na lang at malayo na sa target ang huling bato ni Mark Yee.

Sa ikalawang laro na no-bearing na, tinalo ng No. 1 TNT KaTropa (9-1) ang out nang Star (2-8) 115-101 sa likod ng 23 points at seven rebounds ni Larry Fonacier.