Sinamantala ng Meralco ang pagkawala ng tatlong key players ng Blackwater para sikwatin ang 105-90 victory kagabi at balik ang Bolts sa win-column ng PBA Governors Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Araw-araw nagpapa-check up si Elite import Eric Dawson dahil sa back spasm na nakuha sa game nila ng TNT KaTropa noong Sabado, out na rin sa kabuuan ng season-ending conference si Epoy Erram (ACL), isang linggo pa bago makabalik si Mike Cortez (strained calf).
Hindi natuloy ang inaabangang reunion nina Dawson at Meralco na una niyang pinaglaruan sa PBA, pero hindi naawat ang Bolts sa paglista ng panalo para kumapit sa fifth spot sa 4-3.
Sa 6-7 lang nakabentahe ang Blackwater at mula roon naiwanan sa 27-16 sa rolyo ng first quarter. Dumikit sa 27-29 ang Elite bago winakasan ng Meralco ang first half sa 52-37. Lapit uli ang Elite third sa 78-67, pero muling kumaripas sa biggest lead, 97-79, ang Bolts sa 3-pointer ni Jared Dillinger sa last 4:43.
Kapos lang ng apat na assists si Allen Durham para sa triple-double — 30 points, 16 rebounds — sa pagpapabuwelta niya sa team na makabawi sa 123-126 double overtime loss sa GlobalPort noong Linggo.
“I give a lot of credit to Blackwater for giving us a challenge tonight. This is a big win for us. Our last loss was quite painful, we didn’t manage to call a timeout in the last possession,” ani Bolts coach Norman Black.
Inamin niyang binangko niya si Asian import Mohammad Jamshidi dahil sa hirap pa rin itong makapag-adjust sa sistema ng team. Pero wala pang katiyakan kung papalitan nila ito, pero malamang ay matuloy kung may makikitang shooter na makakatulong kay Durham.
Sumuporta si Dillinger ng 16, may 10 points each pa sina Cliff Hodge at Bryan Faundo sa Meralco.
May 23 si Art dela Cruz, 16 si Carlo Lastimosa at 10 kay Reil Cervantes sa Elite na nabaon sa 1-5.
Sa unang game, nilista ni Henry Walker ang 17 points sa kanyang 39 sa payoff period at ginulat ng NLEX ang Mahindra, 82-81, para sa unang back-to-back W ng Road Warriors at upo sa seventh sa 3-3. Nasalya ang Enforcer sa third sa 4-2.