Bolts nakinabang kina Amer, Almazan, Newsome

Bolts nakinabang kina Amer, Almazan, Newsome

Maganda ang kombinasyon nina Baser Amer, Chris Newsome at Raymond Almazan, at mukhang inaani na ng Meralco ang dibidendo.

Sinalikwat ng Bolts ang pangalawang sunod na panalo sa PBA Governors Cup nang kuryentehin ang Phoenix sa kumbinsidong 111-94 panalo Linggo ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Angat sa 3-1 ang Meralco, kabuhol sa 4th-5th ang defending champion Magnolia.

Lumabas muli ang angas ni Amer na tumapos ng 26 points mula 4 for 10 shooting sa 3-point range.

Nilista naman ni Newsome ang first career triple-double na 13 points, 12 rebounds at 11 assists, may palamuti pang 2 steals at 1 block. Umayuda ng 14 markers at 12 boards si Almazan.

Matikas na suporta sa 27 points, 12 rebounds ni Allen Durham, bagama’t nasa pangalan niya ang lima sa 14 turnovers ng Bolts.

“I couldn’t ask for more as far as offense was concerned especially when it came to the balance on our offense, how the players moved the basketball and sharing the basketball,” ani coach Norman Black.

Isa pang rebelasyon sa Meralco si Bong Quinto na nagdagdag ng 14 points mula 5 of 7 shooting.

Inumpisahan ng Bolts ang laro sa 11-0, mula roon ay hindi na pinaporma ang Fuel Masters.

Namuno ang 31 points, 24 rebounds ni Eugene Phelps sa Phoenix na nalaglag sa 1-4. Nagkasya lang sa 4 points si Matthew Wright na 1 of 10 mula sa field. (VE)