Madalas naging biruan na lamang ang pananakot ukol sa bomb threat, kaya naisip ni Senador Grace Poe na maghain ng panukalang batas na magpapataw ng mas mabigat sa kaparusahan laban sa magpapakalat ng false bomb threat.
Sa Senate Bill 1060 ng senadora, iginiit nito ang pagpataw ng 12 taong pagkakulong o multang hanggang P5 milyon.
Ito’y bilang pagpapawalang bisa sa Presidential Decree No. 1727, na nagdeklarang labag sa batas ang malisyoso at walang katotohanang pagpapakalat ng impormasyon na may kinalaman sa banta tulad ng bomba at iba pang uri ng pampasabog o nakakapaminsala na magbubunga ng takot sa publiko.
Sa PD 1727, nakapaloob lamang ang kaparusahan na hindi lalampas sa limang taong pagkakulong o multang hindi tataas sa P40,000 o pareho depende sa diskresyon ng korte.