Bombahan, patayan sa pagtatapos ng 2016

for-the-record-jen-box jeany lacorte

Nakakarindi ang mga pumutok na balita bago matapos ang taong 2016.

Unang-una dito ay ang pambobomba noong bisperas ng Pasko sa isang simbahan sa Midsayap.

Maraming kababayan natin ang nasugatan dahil sa nasabing pambobomba.

Bago naman magsara ang 2017 ay dalawang magkasunod na bomba­han ang naganap sa Leyte at Cotabato.

Ang pambobomba sa Hilongos, Leyte ay nangyari mismo sa harap ng municipal hall at kabilang sa mga minalas na masabugan ng bomba ay mga nanonood ng boxing sa kasagsagan ng pista.

Nasa 31 umano ang nasabugan sa nasabing insidente.

Ang pambobomba naman sa Cotabato ay nagresulta ng pagkasugat ng anim na katao.

Kabilang sa mga ito ay ang mga sakay ng isang 10-wheeler truck na napadaan sa nasabing kalsada nang sumambulat ang improvised explosive device.

Maliban sa malagim na pagsabog ay isang insidente ng pamamaril ang nangyari sa Lungsod ng Caloocan nitong Disyembre 28 na ikinamatay ng apat na menor-de-edad.

Sinasabi ng Northern Police District (NPD) na drug war ang ugat ng pamamaril sa nangyari sa Caloocan City.

Sa ulat, sinasabing pinagbabaril ng hindi kilalang mga suspek ang pitong katao kabilang ang apat na menor-de-edad sa Brgy. Bagong Silang, Caloocan City.

Tinuturo ng ilang mga opisyal ng barangay sa Bagong Silang na ginagawang drug den ang kinaroroonan ng mga biktima.

Nakakawindang ang mga sumalubong na balitang ito bago matapos ang 2016 na sa tingin ako ay sapat nang dahilan upang umalerto ang Philippine National Police (PNP) na sobrang atensyon ang ibinubuhos ngayon sa kampanya kontra paputok.

Dahil sa malalagim na krimeng ito, wala akong nakikitang dahilan para magmalaki ang PNP na kontrolado nila ang bansa, na nababantayan nila ang ating komunidad at ligtas tayong lahat.

Malinaw na pruweba na masyadong maluwag ang seguridad ng ating kapulisan kaya malayang nakakapaghasik ng lagim ang mga masasamang ­elemento sa ating lipunan.

Kaya huwag naman sana kayong magpakasi­gurong walang makakalusot na mga kriminal nga­yong papasok ang Bagong Taon dahil sa kabila ng sinasabi ninyong pagtaas ng alerto ay nangyayari pa ang bombahan at walang tigil na patayan na ikinakawing pa rin sa giyera kontra iligal na droga.

Kailangan namin ang inyong proteksyon upang maagapan ang masasamang plano ng mga kri­minal at magagawa ito sa sapat at tamang presensiya ng mga tagapagpatupad ng ating batas.