GOLDEN birthday na ni Senator Bong Revilla sa September 25, kaya panay ang tanong sa kanya ng friends niya kung paano niya ito ise-celebrate.

Dasal ng actor-senator at ng pamilya niya na sana ay nasa labas na siya ng Camp Crame pagtuntong ng 50th birthday niya, pero hanggang ngayon ay walang kasiguraduhan kung mangyayari ‘yon.

Nakausap namin si Sen. Bong nang dumalaw kami sa PNP Custodial Center nu’ng Linggo at ang sabi niya, ‘yun ang wini-wish at dinadasal niya, ang makalaya na sila ng best friend niyang si Jinggoy Estrada.

Kahit maraming nagsasabing lumaki ang pag-asa nilang makalabas ng Crame sa ilalim ng pamumuno ni Presidente Rodrigo Duterte, alam ni Sen. Bong na hindi ganu’n kadali ang bagay na ‘yon at posibleng abutin pa siya ng kanyang ika-50 kaarawan sa loob.

Ganu’n man ang sitwasyon ay gusto pa rin niyang i-celebrate ang kanyang golden birthday kasama ng kanyang pamilya at mga malalapit na kaibigan, kahit simple lang.

Panay ang kantiyaw namin sa guwapong mister ni Bacoor Mayor Lani Mercado-Revilla dahil kung kailan ito magsi­singkuwenta-anyos ay parang mas mukha pa itong bumata.

Ang bagets ng itsura ngayon ni Sen. Bong dahil mas naaalagaan niya ang sarili niya sa loob at wala si­yang stress.

Regular ang kanyang exercise sa loob ng compound kaya ang ganda ng katawan niya ngayon.

Batak siya sa workout at basketball kaya astig ang kanyang chest at upper body.
Sabi namin ay abs na lang ang kailangan niyang palabasin at paputukin.

Meron siyang ginawang pa-face peeling na mas kuminis pa ang mukha niya at mas bumata ang itsura niya.

Maging ang gupit niya ay nakakabagets, kaya hindi siya mukhang 50-anyos.

Biro tuloy sa amin ni Sen. Bong, kung hindi lang siya nakakulong ay magpapa-pictorial siya ng itsura niya ngayon para patunayang totoo ‘yung pa-hashtag namin sa kanya na #BongBagetsAt50 at #Bong­YummyAt50.

***

Lani Mercado
Lani Mercado

Si Mayora Lani ay aligaga sa mga kaganapan sa Cavite kaugnay ng piyesta sa Bacoor ngayong Setyembre, pero hindi puwedeng hindi niya rin tutukan ang nalalapit na milestone birthday ng kanyang mister.

Dayalog sa amin ni Ms. Lani, doon pumapasok ang delegation of duties. Meron siyang One Zumba Nation, medical mission, trade fair at kung anu-ano pang activities sa Bacoor, pero laging prio­rity ang family events lalo na kung kay Sen. Bong.

May naiisip na siyang birthday ideas na mukhang type din ng birthday boy.

Mahigit dalawang taon na ang magkaibigang actor-senator sa Camp Crame, kaya ang numero unong birthday wish ni Sen. Bong ay ang makalabas na sila roon.