Para patunayang nagsisinungaling at gumagawa lamang ng istorya ang nagpakilalang “Bikoy” sa narco video, ipinakita ni dating Special Assistant to the President at senatorial candidate Bong Go ang kanyang likod na walang tattoo na nag-uugnay sa kanya sa sindikato ng iligal na droga.
Sa kanyang pagbisita sa Prosperidad, Agusan del Sur, tinanggal ni Go ang kanyang T-shirt sa harap ng media at ipinakita ang kanyang likod.
Walang dragon tattoo na nakita sa likod ng dating kalihim, maliban sa bakat ng bentosa.
“Pimples, nunal, stretchmark balat at bilbil lang po. Nagpapabentosa din ako. Klaro ha eto ang tatak oh,”saad ni Go.
Ayon sa dating top aide ni Pangulong Rodrigo Duterte, kailanman ay hindi siya nasangkot sa iligal na gawain lalo na sa iligal na droga.
Galit aniya si Pangulong Duterte sa illegal drugs at halos makipagpatayan malinis lang ang bansa sa droga kaya bakit naman siya makikisawsaw dito.
Sinabi ni Go na masyadong desperado ang mga kritiko ng administrasyon para sirain si Pangulong Duterte kaya kung sino-sino na lamang ang kinakaladkad ng mga ito.(JC Cahinhinan/Aileen Taliping)