Nagpasalamat si dating Special Assistant to the President at senatorial candidate Christopher Lawrence ‘Bong’ Go sa mga opisyal at mamamayan ng Legazpi City dahil sa ipinakitang suporta sa kanya at sa iba pang kandidato ng Hugpong ng Pagbabago sa isinagawang kick-off rally noong ­Huwebes, Marso 14.

“Maraming salamat sa mga kapatid ko dito sa Legazpi,” wika ni Go sa mga dumalo sa rally sa Albay Astrodome.
Nanindigan pa si Go sa patas na laban sa halalan, kasabay ng pagsasabing ang batuhan ng dumi ay hindi dapat maging bahagi ng pangangampanya.

“Basta mangangampanya tayo ng malinis. Ayokong magsiraan. ‘Di ko ugali manira ng tao,”diin pa niya.

Nauna rito ay sinabi ni Go na hindi siya gagawa ng dirty tricks kahit na ang mga kalaban niya ay gumagamit ng fake news para lamang siya masiraan.

Nakiusap pa si Go sa mga kapwa kandidato na ipaliwanag na lang sa mga botante ang kanilang plataporma de gobyerno imbes na manira ng mga kalaban sa halalan.

Matatandaan na idineklara ng City Council bilang adopted son ng Legazpi City si Go sa isang resolusyong ipinasa noong Pebrero 4, 2019.

Bunsod ito ng naging papel ni Go sa pagtutulak ng mga infrastructure project sa ­Bicol Region sa ilalim ng ‘Build, Build, Build’ program ng administrasyong Duterte.