Tiniyak ni dating Special Assistant to the President at senatorial candidate Bong Go sa mga biktima ng super bagyong Yolanda sa Tacloban City na siya ang kanilang magiging tulay kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Binisita ni Go ang mga taga-Tacloban nitong Martes at siniguro sa mga residente na kanyang maipaparating sa Pangulo ang kanilang mga mensahe.

Sa kanyang talumpati, inalala ni Go ang gina­wang pagbisita nila ng Pangulo sa Tacloban City pagkatapos manalasa ang bagyong Yolanda at napaiyak aniya ito sa kalunos-lunos na tanawing nadatnan nila noon sa lungsod.

Dahil dito, sinabi ni Go na itutuloy niya ang sinimulan ni Pangulong Duterte na pagtulong sa mga taga-Tac­loban para sa tuloy-tuloy na pagbangon ng mga ito.

“Saan man po ako ipadpad ng aking tadhana patuloy n’yo po akong magiging tulay kay Pangulong Duterte,” ani Go.

Itutuloy rin aniya ng dating kalihim ang kanyang adbokasiya para tulungan ang mga nangangailangan.

Bagama’t abala sa pangangampanya, bumibisita si Go sa mga mahihirap na komunidad para tingnan ang kanilang sitwasyon at makinig sa kanilang mga problema at pangangailangan.

“Kahit saang eskinita papasukin ko para lang marinig kayo. Minsan lang tayo daraan sa mundo kaya anumang kabutihan na puwedeng gawin natin sa kapwa, gawin na natin,” dagdag pa ni Go. (Aileen Taliping)