Nagpasalamat si dating Special Assistant to the President Bong Go sa mga naniniwala sa kanyang mga adhikain kapag nakatungtong sa Senado.

Inihayag ito ni Go matapos pumuwesto sa No. 3 spot sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.

Batay sa survey na ginawa noong Pebrero 24-28, nakuha ni Go ang No. 3 spot na may 53 percent preference rating mula sa dating 44.7 percent noong Enero 6.

Umakyat din ang awareness rating ni Go na mula 91 percent noong Enero ay naging 96 percent sa survey na ginawa ngayong Pebrero.

“Maraming sa­lamat po sa dumarami nating kababayan na nagtitiwala sa aking kakayahan at intensiyon na magserbisyo nang tapat at lubos. Kayo po ang nagsisilbing inspirasyon at lakas ko upang dagdagan ang pagsisikap na maipaabot sa mas nakararami ang ‘Serbisyong Tatak Duterte’ na aking ipagpapatuloy para sa kapakanan ng bawat Pilipino,” pahayag ni Go.

Pero hindi aniya kailangang tumigil, bagkus kailangan ang double time para maipagpatuloy ang kampanya at tumulong sa mga kapus-palad. (Aileen Taliping)