Hindi pa rin kumukupas ang karisma ni dating Senador Ramon Bong Revilla Jr.
Sa ginawang pangangampanya sa Tacloban City, hindi magkandaugaga ang mga Waray para lamang masilayan, makamayan at mayakap ang dating senador.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Revilla na gagawin niya ang lahat para masuklian ang suportang ibinibigay sa kanya ng mga residente dito.
Nakita rin ni Revilla ang lagay ngayon ng Tacloban matapos wasakin ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013.
“Sana hindi na mangyari uli ang bagyong Yolanda, halos naubos puno ng niyog, nagmistulang posporo nu’ng tinamaan ng bagyo,” pagsasalarawan ni Revilla matapos libutin ang Tacloban sakay ng helicopter.
Nanggaling sa Butuan City si Revilla kaya’t kinailangan niyang sumakay ng helicopter para makaabot sa campaign rally ng Hugpong ng Pagbabago sa siyudad.