Bong Revilla tuloy ang kandidatura kahit may 16 pang kaso ng pangungurakot – Comelec

Hindi magiging hadlang sa kandidatura ni dating Senador Bong Revilla ang kinakaharap pa niyang 16 na kaso ng pangungurakot sa Sandiganbayan.

Ayon kay Commission on Elections (Comelec) spokesperson James Jimenez, tuloy pa rin ang pagtakbo ni Revilla sa pagka-senador dahil wala pa namang pinal na desisyon ang korte sa mga naiwan pa niyang usapin matapos maabsuwelto sa kasong plunder kahapon.

Gayundin, hindi pa rin aniya maaa­ring madiskuwalipika ang mga kandidatong may nakabinbing mga apela hanggang wala itong desisyon ng korte.

Ang diskuwalipikasyon ng mga kandidato ay naaayon aniya sa batas at hindi dahil sa mga akusasyon lang ng kanilang pagkakadawit sa mga katiwalian at iba pang krimen.

Paglabag umano sa due process o tamang proseso ang agarang disku­walipikasyon sa mga kandidato na may kinakaharap na mga kaso.

Samantala, maaari aniyang maghain ng diskuwalipikasyon sa Comelec ang sinuman laban sa mga kandidatong sa tingin nila ay hindi kuwalipikadong tumakbo sa 2019 midterm elections.

Diringgin aniya ng Comelec en banc ang mga petisyon at reresolbahin batay sa isinumiteng mga ebidensiya.

Naniniwala naman ang partidong kinaaniban ni Revilla na Lakas-Christian Muslim Democrats
‘big boost’ sa senatorial bid ni Revilla ang desisyon ng Sandiganbayan.

“His acquittal only validates and proves that the plunder case against him is politically motivated. Sadly, the plunder case took away more than four years of his life,” pahayag ni Lakas-CMD Pres. Atty. Martin Romualdez.

Iginiit ni Romualdez na si Revilla ang pinaka-qualified sa mga nag-aambisyong maging senador.

“His passion and dedication to serve the people will bring positive change and help improve the country’s good governance, policies, and lawmaking process. With the people and God’s help, the Lakas-CMD is looking forward to his victory in next year’s midterm poll,” ayon pa kay Romualdez.