Bongbong, happy at proud maging gabinete

Matapos ang ilang linggong hindi pagpapakita sa publiko, lumantad si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa birthday celebration ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Game na game ang senador sa pagsagot sa tanong ng media hinggil sa ugong na sa kanya mapupunta ang pinag-aagawang puwesto sa Department of the Interior and Local Government (DILG) kasunod ng pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte kay dating Secretary Mike Sueno.

“If the President asks you to serve in whatever capacity hindi mo pupuwedeng tanggihan. Siyempre para sa bansa yan and of course I’d be happy, I’d be proud, I’d be honored to serve in any position in the Duterte administration,” wika ni Marcos.

Pero sa kabila ng kahandaan ni Marcos na pumasok sa gabinete ni Duterte, nanindigan pa rin ang senador na hindi niya isusuko ang paghahabol sa upuan ni Vice-President Leni Robredo.

Nagbigay din ng pananalita si Marcos sa harap ng mga Cabalen na dumalo sa birthday celebration ni Rep. Arroyo sa Lubao, Pampanga at sinabing hindi ito titigil hangga’t hindi umano nabibilang ang mga botong ipinagkait sa kanya noong 2016 elections.

“Napakaganda po ng resulta (ng boto) ko dito, di lamang sa Lubao kundi sa buong lalawigan ng Pampanga. Kaya po ako’y nagpapasalamat sa inyo at hihingi ng iyong paumanhin na ang ilan sa inyong boto ay di nabilang,”pahaging ni Marcos.