Bongbong, Imee panagutin din sa nakaw na yaman

Bagama’t ipinagbunyi ng marami ang paghatol na guilty ng Sandiganbayan kay Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos sa pitong counts ng kasong graft ay may ilang grupo ang hindi pa kuntento.

Si Marcos ay hinatulan ng anim hanggang 11 taong pagkakabilanggo bukod pa sa pagdiskuwalipika dito sa paghawak sa anumang posisyon sa gobyerno.

Para kay ACT Tea­chers Rep.France Castro, wala talagang krimeng hindi pinagbabayaran.

“Pero ang tagal ng hustisya para sa mga mamamayang Pilipino. Dapat mapanagot pa rin sa batas ang iba pang miyembro ng Marcos family na nagsamantala sa posisyon at lumustay sa kaban ng yaman,” pahayag ni Castro.

Ganito rin ang posisyon ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao.

Iginiit din ni Casilao na dapat ay maging precedent ang hatol ng Sandiganbayan para habulin at panagutin si Imelda at iba pang Marcos sa iba pang mga kasong kinakaharap ng mga ito.

Dapat din ani Casilao na magbantay ang taumbayan partikular kay Ilocos Gov. Imee Marcos na nirekomendang kasuhan ng plunder ng House committee on good government and public accountability dahil sa iregularidad sa paggastos sa pondo sa P66M tobacco excise tax .

Sinabi naman ni Neri Colmenares, da­ting Bayan Muna Representative matagal nang hinihintay sa kulungan ang dating First Lady ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.