Nagbabala ang Department of Education (DepEd) sa lahat ng pampublikong paaralan na hindi kailangang magsagawa ng bonggang selebrasyon para sa moving-up at graduation ceremonies sa pagtatapos ng 2018-2019 class.
Base sa DepEd order, hindi kailangang gumastos nang malaki para sa graduation rites at kailangan lamang umano ng pormal na selebrasyon at maayos na programa.
Mahigpit na ipinagbabawal din ang pag-solicit ng mga paaralan para sa magaganap na moving-up at graduation ceremonies at mapapatawan ng parusa ang mahuhuling paaralan na gagastos nang malaki para sa nasabing selebrasyon.
Una nang inihayag ng DepEd na ang ang mga Grade 6 Elementary at Grade 12 na Senior High School (SHS) lamang ang magkakaroon ng graduation ceremonies.
Iginiit rin ng DepEd na maaaring makasuhan ng electioneering ang isang kandidato na aktong nangangampanya sa loob ng graduation ceremony at maaari pang maharap sa administrative sanctions ang paaralan dito.