By Ismael Amigo

Bonggang pagsalubong sa bagong taong 2019 ang ikapitong igkas pagbaklas ng presyo ng kalangisan.

Halos P2 ang panibagong bagsak-presyo ng diesel o P1.80 habang ang gasolina ay dumausdos sa P1.30. Ang presyo ng kerosene ang siyang may pinakamalaking inalagwa sa P1.90 kada litro.

Matindi, grabe ang pasalubong na ito ng 2019 na naglagay sa halos P32 kada litro na lamang ang presyo ng diesel sa ngayon partikular na sa gas stations ng Uno, PTT, Seaoil, Phoenix at Flying V.

Bagama’t may sapat namang pambili ng diesel o gatong pauwi sa aming probinsya sa Eastern ­Samar na may halos 1,000 kms. ang distansya mula Maynila, pabor ito sa 3-car convoy nina kuyang Vice Mayor Amado Amigo.

Nakatakda silang tumulak pabalik probinsya ngayong araw, January 2, matapos um-attend at mag-host sa aming 2018 Amigo Family Reunion noong December 29.

Noong minsan akong umuwi sa aming mahal na probinsya, hindi umabot sa 2K ang gastos ko sa gatong. May 10 taon na ang nakalilipas at nasa halos kaparehong presyo kada litro lamang ng diesel fuel noon.

Kung kaya’t ang sambitan noon at maaaring ngayon, one to sawa ang biyahe ng mga motorista. Ibig sabihin nito, asahan natin na mas madadagdagan pa ang bilang ng mga sasakyan sa mga lansangan ngayong mababa ang presyo ng kalangisan.

Ibig sabihin pa ulit nito ay malamang sa malamang na mas bibigat pa ang daloy ng trapiko sa ngayon sa kadahilanang pati ang mga tinaguriang gas guzzler cars ay tiyak na ilalabas sa garahe dahil nagmumura nga ang kalangisan.

Kaya advice ng Moto Rista, magbaon ng sapat na pasensiya sa pagbibiyahe.
Happy New Year! To God be the glory!